Sunday, 2 September 2012

Hataw Lamang!




         Ateneo-La Salle na naman noong Sabado. Isang napakagandang karanasan na naman ito para sa akin dahil pumalo ako para sa koponan ng Ateneo. Siyempre, masaya rin dahil lahat ng tao sa Araneta ay nakatayo at nakikisigaw para suportahan ang mga manlalaro ng Ateneo. Oo, nakakapagod manuod ng laro ng Ateneo at La Salle ngunit mas nakakapagod kung ikaw ay pumapalo para sa kanila.


          Kasama ako roon sa isa sa mga pumapalo ng mga bass drums para sa Ateneo. Madalas, kapag may laro ang koponan ng Ateneo, ang mga manlalaro lamang ang mapapansin at kami ay hindi masyadong napapansin kahit na mas naririnig kami kaysa sa mga manlalaro. Gaano man kami kaingay, hindi pa rin nila kami papansinin nang matagal dahil siyempre, pumunta ang mga tao roon para manuod ng laro ng basketbol. Siguro, mga ilang segundo lamang nila kami papansinin at pagkatapos ay ibabalik na nila ang kanilang atensiyon sa mga manlalaro. Kahit ganito, iniisip pa rin naming ginagawa namin ito hindi para sa ibang tao kung hindi para suportahan ang mga manlalaro at para sa Diyos. Hindi atensiyon ang gusto namin dahil mas gusto naming tumatayo ang mga manonood at sumisigaw ng "Go Ateneo!" habang pumapalo kami (at siyempre, habang naka-tres si Buenafe).

Pinapalo ko ang drum na may titik "I" (Ang litrato ay galing sa aking kaibigan)


          Habang pumapalo ako noong Sabado, noong simula ng laro, tinambakan kaagad ng Ateneo ang La Salle. Madalas, kapag nangyari ito, humihina na ang palo ng mga banda ngunit sinabi sa aming huwag na huwag kaming hihina kahit isandaan pa ang lamang ng Ateneo sa La Salle kaya sa buong laro, dapat ay malakas kami. Kung sa buong laro ng basketbol ay dapat pumapalo kami ng malakas, siyempre naman at mapapagod din kami. Kapag mga huling sampung minuto na lamang ang natitira, sumasakit na ang aking mga braso. Bumibigay na sila. Kapag umaabot na sa puntong ito, iniisip ko ang isang linyang sinabi sa akin ng kaibigan ko, "Kung hindi mo na kaya, kaya mo pa!" Palagi ko itong iniisip kaya kapag ako'y nanghihina na, humahatak ako ng lakas mula sa sakit ng aking katawan (katulad ng sinasabi ni Pacquiao sa patalastas ng Alaxan) at pinipilit ko pang lalong lumakas. Minsan, sumisigaw ako kapag ginagawa ko ito para talagang maipilit ko ang aking sariling lumakas pa. Sa dulo, magiging masarap naman ang pakiramdam mo dahil alam mong mananalo ang Ateneo at ngingiti ka rin dahil makikita mong pagkatapos ng laro, lahat ng tao ay nakikisabay sa palo ng banda at sila ay sumisigaw nang malakas. Nakakatuwang tignang may parang dagat na malakas ang hampas sa loob ng Araneta dahil sa mga taong nakasuot ng kulay bughaw na damit at tumatalon dahil panalo na naman.

          Ang sinabi ng kaibigan ko, "Kung hindi mo na kaya, kaya mo pa!" ay hindi lamang sa pagpalo ng drums magagamit. Maaari rin itong magamit sa ating buhay at isa na rito ay ang pag-aaral. Siyempre, magpupuyat ka at iinom ka ng kape para lamang tapusin ang inaaral mo. Kahit sinasabi na ng isip mong hindi mo na kaya, pinipilit mo pa rin ang sarili mo at sinasabi mong kaya mo pa. Sinasabi nitong huwag na huwag kang bibitaw sa ginagawa mo dahil alam mong kaya mo na itong tapusin, iniisip mo lamang na hindi.

          Kaya tandaan, sa panahong halos bibigay ka na sa ginagawa mo, isipin mo lamang, "Kung hindi mo na kaya, kaya mo pa!"



Sanggunian:

1. Cristino, Mark. De La Salle Universit'ys Jeron Teng (left) tries to go past Ateneo de Manila's Ryan Buenafe (right). Ateneo won over La Salle, 77-67. Photo by Mark Cristino for ABS-CBNnews.com. 2012. Photograph. http://www.abs-cbnnews.com, Philippines. Web. 2 Sep 2012. <http://www.abs-cbnnews.com/sports/09/01/12/buenafe-leads-ateneo-past-la-salle>.

2. Ang aking kaibigang si Myka Villanueva (para sa litrato ko habang pumapalo).

1 comment:

  1. Binibigyan kita ng isang markang pagtaas para sa karanasan at sa pagmumuni tungkol doon. Pagbati!

    ReplyDelete