Sunday, 26 August 2012

Huling Habilin


     Habang naghihintay ng laro ng Ateneo laban sa UP sa Mall of Asia Arena, naisip kong gumawa ng jornal para naman hindi nasasayang ang aking oras dahil mayroon pa akong mahigit kumulang limang oras para maghintay.

     Dahil nasa tabing dagat ang lugar kung nasaan nakatayo ang Mall of Asia, napakalakas ng hangin dito. Nakatapat lamang ang aking mukha sa dagat at para bang hinihipan ako nang malakas ng dagat. Napakasarap sa pakiramdam at nakakakalma. Lumalalim tuloy ang pag-iisip ko. Maraming tumatakbo ngayon sa utak ko at isa na roon ay kung mamatay ako. Kung mamatay ako, may pakialam ba ang ibang tao? Naisip ko ito dahil sa nangyari kay Jesse Robredo (nakikiramay po ako sa inyo, ser). Napakaraming taong natuwa matapos siyang mamatay, hindi dahil namatay na siya kung hindi sa dami ng kaniyang naabot at nagawa. Ako rin ba, kapag namatay ako, matutuwa ba ang mga tao dahil marami rin akong nagawang mabuti para sa iba, o matutuwa lamang sila na namatay na ako? Naisip kong gumawa ng huling habilin para sa aking kamatayan. Hindi ko sinasabing mamamatay na ako o gusto ko mamatay pero ang kamatayan ay hindi pumipili ng oras kung kailan ito susunggab. Gusto ko ring ang pamilya ko ang babasa ng huling habilin ko dahil halos sila ang magiging laman nito.

----------------------------------------------------------


Ang minamahal kong ama, ina, at kapatid,

     Kapag buhay pa ako at binabasa niyo na ito, huwag niyong ituloy ang pagbasa nito dahil magiging corny na itong sinulat kong ito at kaya ko nga ginawa ito para basahin niyo kapag patay na ako diba?

     Kamusta na kayo? Okay pa ba kayo? Iniyakan niyo ba noong namatay ako? Sana naman oo dahil kayo ang iniisip ko bago ako mamatay. Kayo rin ang dahilan kaya gumawa ako ng ganitong sulat. Kayo ang naisipan kong gawan.

     Ama, sana hindi ka na masyadong umiinom dahil ang gusto ko lamang sa iyo ay hindi ka na uminom ng alak (o kahit bawasan mo man lamang). Gusto kong makita ang ating pamilyang palaging masaya dahil kapag ika'y lasing, nasisira lahat ng plano at lahat ng tao sa bahay ay nag-aaway. Alam kong hindi ko na malalaman kung ihihinto mo ito o bawasan lamang, pero sige na, para kay nanay at sa aking bunsong kapatid, itigil mo na. Gusto ko rin sanang bigyan mo palagi ng oras an pamilya natin dahil palagi ka na lamang wala sa ating mga labas. Palagi kang may hangover dahil umiinom ka palagi. Sana makita mo ang halaga ng oras natin para sa isa’t isa at sana mahalin mo ang nanay at kapatid ko. Kung ako ang nag-aalaga sa kanila noong andiyan pa ako dahil nga palagi kang lasing, ngayon, ikaw na ang bahala sa kanila.

     Ina, sana hindi ka magsawang magluto para sa aking pamilya kahit wala na ako. Gusto ko na nga ulit matikman ang masarap mong adobo, e. Wala akong mahihiling pa sa iyo dahil halos lahat naman ng kailangan mong gawin bilang isang ina ay nagagawa mo naman. Oo nga pala, huwag mong kalimutang pakainin ang aking alagang pagong na si Torty palagi at ipamana mo iyan sa magiging anak ng kapatid ko at sabihin mo sa kapatid ko na ipamana iyan sa anak ng anak niya dahil alam kong matagal pa ang buhay ng mga pagong. Sana yung akin din, no? Oo nga pala, yung laptop at cellular phone ko nga pala ay ibigay mo na lang kay lolo at lola dahil naaawa ako sa kanila dahil luma na ang cellular phone nila. Huwag mo ito ibenta, hindi natin kailangan ng pera, mas kailangan nating mapasaya si lolo at lola.

     Kapatid, sana hindi mo ngayon ginugulo ang aking kuwarto. Palagi mo kasing ginugulo ang aking kuwarto eh. Ngayong wala na ako, kung gusto mong matulog sa aking kuwarto, sige lamang, pinapayagan na kita. Huwag ka lamang sisigaw nang malakas kapag nagpakita ako dahil baka atakihin sa puso si ina dahil kala niya may nangyaring masama sa iyo, eh magpapakita lamang naman ako. Natatandaan mo yung kahon ko na nakakandado? Alam mo naman siguro yung password noon. Buksan mo at kunin mo ang pera at gamitin mo ito kung kinakailangan mo. Huwag mo ito gagamitin kapag hindi kinakailangan at huwag na huwag mo ito ibibigay sa kasintahan mo (kung magkaroon ka na ng isa). Pakisabi kay ama at ina na mahal na mahal ko sila kahit na sila ang nagbasa ng sulat na ito bago ikaw. Iyon lamang naman ang gusto kong sabihin.

     Sa inyong tatlo, mahal ko kayo. Sana magkita tayong tatlo muli, kahit man hindi riyan sa bahay natin.

Migo

1 comment:

  1. Madilim ang premise, kamatayan, subalit napagagaan ng nilalaman. May ilang suliranin pa ito (tulad ng dapat ay "ninyo") subalit binibigyan na kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!

    ReplyDelete