Wednesday, 3 October 2012

Tiririt

Para sa aking jornal, sinubukan kong gumawa ng mga palindrome. Naisip ko ring gawan ng iisang kuwento ang limang palindromes (hindi pa kasama ang pamagat ng jornal ko rito) na ginawa ko.

-------------------------------------------------------------------------



          Sa isang bahay sa Nueva Ecija, mayroong nakatirang limang tao rito. Ang namamahala ng bahay ay si Pedro at may apat siyang anak at ang mga pangalan nila ay Amais, Anna, Nayi at Ino. Si Ino lamang ang lalaki sa magkakapatid. Mayroon silang bayabasan at ito ang bumubuhay sa kanila. Ito na ang kanilang negosyo.

          Isang araw, umuwi mula sa Maynila si Amais. Noong dumating na siya sa bahay, napansin ni Anna na may kasamang lalaki si Amais. Tinanong ni Anna kung sino ito at sinabi ni Amais na ang lalaki ay ang kasintahan niya. Mahahalatang hindi Pilipino ang kasintahan niya dahil ito'y maputi. Nakita na lamang bigla ni Nayi si Amais at ang kaniyang kasintahan at biglang namula si Nayi. Nakita niyang makisig ang lalaki at bigla na lamang niyang sinubukan landiin ito. Dahil dito, sinabi ni Anna kay Nayi:

(1) O, ka'nya iyan, Nayi. 'Ay nako.

          Humingi ng tawad si Nayi sa kaniyang kapatid na si Amais dahil hindi niya alam na kasintahan pala siya ni Amais. Siyempre, pinatawad ni Amais ni Nayi at pagkatapos nito, sinabi ni Anna ito kay Amais:

(2) Amais, nasa bayabasan si ama.

          Ngumiti si Amais at sinabi niya kay Anna na kailangan niyang kausapin ang kanilang ama. Sinabi ni Anna na tatawagin na lamang niya ang ama para sa kaniya para hindi na mapagod si Amais ngunit sinabi ni Amais kay Anna:

(3) Ano ka Anna, ako na!

          Nahiya naman si Amais kay Anna kaya siya na lamang ang pumunta sa ama nila. Noong nasa bayabasan na si Amais at ang kaniyang kasintahan, nakita niya ang kaniyang ama at ang kaniyang kapatid na si Ino. Ipinakilala ni Amais ang kaniyang kasintahan sa kaniyang ama at kapatid at sinabi na rin ni Amais na titira na siya sa ibang bansa kasama ng kaniyang kasintahan para magsimula ng bagong buhay at para matulungan ang kaniyang ama na kumita. Pagkatapos kilalanin ni Ino ang kasintahan ng kaniyang kapatid, sinabi niya sa kanilang ama:

(4) O, tatay, tapat yata 'to.

          Dahil mataas ang tiwala ng ama nila kay Ino, pumayag ang kanilang ama sa plano ni Amais. Pagkatapos nito, nag-usap si Amais at ang kaniyang kasintahan na lumibot muna sa iba't ibang bahagi ng mundo dahil gusto muna nila magpahinga. Sinabi ng kaniyang kasintahan na ang una niyang gustong puntahan ay ang bansang Norway pero sinabi ito ni Amais sa kaniyang kasintahan:

(5) Norway? 'Yaw ro'n!

          Pagkatapos nilang pag-usapan kung saan nila gustong pumunta muna, nagpaalam na sila sa pamilya ni Amais at sila'y lumikas na.

Monday, 24 September 2012

Kabastusan kamo? Kaligtasan?

'King kaibigan,
Kailangang kumalma,
'Ka'y kakapaan.

          Ito ang maaaring iniisip ng mga pulis kapag sila ay nagsasagawa ng isang inspeksiyon kapag pumapasok ang mga tao sa isang pampublikong pasyalan. Inaalala lamang nila ang kaligtasan ng mga tao.

---------------------

'Ko'y kinakapa.
Kawawa, 'king katawan.
Kabastusan k'ya?

          Ito ang maaaring iniisip ng mga taong pumupunta sa mga pampublikong pasyalan kapag sila ay iniinspek ng mga pulis. Ang iba sa kanila ay iniisip na baka nambabastos na ang ibang pulis.

-------------------------------------------------------------------------------------------------

Naisip kong gumawa ng isang haiku para sa aking jornal. Naisip ko ring nagsisimula sa letrang "K" ang lahat ng salita sa haiku katulad ng ginawa namin noon sa klase tungkol sa Himagsik ng Mga Puno na kung saan ay nagsisimula sa letrang "K" ang lahat ng salitang isinusulat namin.

Saturday, 22 September 2012

Dalit? Diona? Ano ang mga ito?

Ano ang isang dalit?


Wawaluhin ang bilang,
Isahan ang tugmaan.
Apat na linya'ng laman.




Ano ang isang diona?

Mayroon s'yang tatlong linya,
Ang pipituhing diona.
Ito ay dalit na sana,
Ngunit nagkulang ng isa.




Sinubukan kong ipaliwanag ano ang isang dalit gamit ang isang diona at ano ang isang diona gamit ang isang dalit.




Sunday, 9 September 2012

Minadaling Pinaghirapan

Gabi na naman. Napakahirap na namang mag-isip ng bagong pag-uusapan para sa aking jornal. Kinakailangan kasi maging malikhain ang magiging paksa namin para sa aming jornal. Habang sinusulat ko ito, may pumasok sa utak ko. Habang ako'y nag-iisip ng paksa para sa aking jornal, bigla ko na lamang naisip na ang pag-iisip ng paksa ko para sa aking jornal ang naging paksa ko para sa aking jornal. Hindi iyan malabo, basahahin mo na lamang muli.

Pinag-isipan
Ito'y napakahirap
'di madalian

Sunday, 2 September 2012

Hataw Lamang!




         Ateneo-La Salle na naman noong Sabado. Isang napakagandang karanasan na naman ito para sa akin dahil pumalo ako para sa koponan ng Ateneo. Siyempre, masaya rin dahil lahat ng tao sa Araneta ay nakatayo at nakikisigaw para suportahan ang mga manlalaro ng Ateneo. Oo, nakakapagod manuod ng laro ng Ateneo at La Salle ngunit mas nakakapagod kung ikaw ay pumapalo para sa kanila.


          Kasama ako roon sa isa sa mga pumapalo ng mga bass drums para sa Ateneo. Madalas, kapag may laro ang koponan ng Ateneo, ang mga manlalaro lamang ang mapapansin at kami ay hindi masyadong napapansin kahit na mas naririnig kami kaysa sa mga manlalaro. Gaano man kami kaingay, hindi pa rin nila kami papansinin nang matagal dahil siyempre, pumunta ang mga tao roon para manuod ng laro ng basketbol. Siguro, mga ilang segundo lamang nila kami papansinin at pagkatapos ay ibabalik na nila ang kanilang atensiyon sa mga manlalaro. Kahit ganito, iniisip pa rin naming ginagawa namin ito hindi para sa ibang tao kung hindi para suportahan ang mga manlalaro at para sa Diyos. Hindi atensiyon ang gusto namin dahil mas gusto naming tumatayo ang mga manonood at sumisigaw ng "Go Ateneo!" habang pumapalo kami (at siyempre, habang naka-tres si Buenafe).

Pinapalo ko ang drum na may titik "I" (Ang litrato ay galing sa aking kaibigan)


          Habang pumapalo ako noong Sabado, noong simula ng laro, tinambakan kaagad ng Ateneo ang La Salle. Madalas, kapag nangyari ito, humihina na ang palo ng mga banda ngunit sinabi sa aming huwag na huwag kaming hihina kahit isandaan pa ang lamang ng Ateneo sa La Salle kaya sa buong laro, dapat ay malakas kami. Kung sa buong laro ng basketbol ay dapat pumapalo kami ng malakas, siyempre naman at mapapagod din kami. Kapag mga huling sampung minuto na lamang ang natitira, sumasakit na ang aking mga braso. Bumibigay na sila. Kapag umaabot na sa puntong ito, iniisip ko ang isang linyang sinabi sa akin ng kaibigan ko, "Kung hindi mo na kaya, kaya mo pa!" Palagi ko itong iniisip kaya kapag ako'y nanghihina na, humahatak ako ng lakas mula sa sakit ng aking katawan (katulad ng sinasabi ni Pacquiao sa patalastas ng Alaxan) at pinipilit ko pang lalong lumakas. Minsan, sumisigaw ako kapag ginagawa ko ito para talagang maipilit ko ang aking sariling lumakas pa. Sa dulo, magiging masarap naman ang pakiramdam mo dahil alam mong mananalo ang Ateneo at ngingiti ka rin dahil makikita mong pagkatapos ng laro, lahat ng tao ay nakikisabay sa palo ng banda at sila ay sumisigaw nang malakas. Nakakatuwang tignang may parang dagat na malakas ang hampas sa loob ng Araneta dahil sa mga taong nakasuot ng kulay bughaw na damit at tumatalon dahil panalo na naman.

          Ang sinabi ng kaibigan ko, "Kung hindi mo na kaya, kaya mo pa!" ay hindi lamang sa pagpalo ng drums magagamit. Maaari rin itong magamit sa ating buhay at isa na rito ay ang pag-aaral. Siyempre, magpupuyat ka at iinom ka ng kape para lamang tapusin ang inaaral mo. Kahit sinasabi na ng isip mong hindi mo na kaya, pinipilit mo pa rin ang sarili mo at sinasabi mong kaya mo pa. Sinasabi nitong huwag na huwag kang bibitaw sa ginagawa mo dahil alam mong kaya mo na itong tapusin, iniisip mo lamang na hindi.

          Kaya tandaan, sa panahong halos bibigay ka na sa ginagawa mo, isipin mo lamang, "Kung hindi mo na kaya, kaya mo pa!"



Sanggunian:

1. Cristino, Mark. De La Salle Universit'ys Jeron Teng (left) tries to go past Ateneo de Manila's Ryan Buenafe (right). Ateneo won over La Salle, 77-67. Photo by Mark Cristino for ABS-CBNnews.com. 2012. Photograph. http://www.abs-cbnnews.com, Philippines. Web. 2 Sep 2012. <http://www.abs-cbnnews.com/sports/09/01/12/buenafe-leads-ateneo-past-la-salle>.

2. Ang aking kaibigang si Myka Villanueva (para sa litrato ko habang pumapalo).

Sunday, 26 August 2012

Huling Habilin


     Habang naghihintay ng laro ng Ateneo laban sa UP sa Mall of Asia Arena, naisip kong gumawa ng jornal para naman hindi nasasayang ang aking oras dahil mayroon pa akong mahigit kumulang limang oras para maghintay.

     Dahil nasa tabing dagat ang lugar kung nasaan nakatayo ang Mall of Asia, napakalakas ng hangin dito. Nakatapat lamang ang aking mukha sa dagat at para bang hinihipan ako nang malakas ng dagat. Napakasarap sa pakiramdam at nakakakalma. Lumalalim tuloy ang pag-iisip ko. Maraming tumatakbo ngayon sa utak ko at isa na roon ay kung mamatay ako. Kung mamatay ako, may pakialam ba ang ibang tao? Naisip ko ito dahil sa nangyari kay Jesse Robredo (nakikiramay po ako sa inyo, ser). Napakaraming taong natuwa matapos siyang mamatay, hindi dahil namatay na siya kung hindi sa dami ng kaniyang naabot at nagawa. Ako rin ba, kapag namatay ako, matutuwa ba ang mga tao dahil marami rin akong nagawang mabuti para sa iba, o matutuwa lamang sila na namatay na ako? Naisip kong gumawa ng huling habilin para sa aking kamatayan. Hindi ko sinasabing mamamatay na ako o gusto ko mamatay pero ang kamatayan ay hindi pumipili ng oras kung kailan ito susunggab. Gusto ko ring ang pamilya ko ang babasa ng huling habilin ko dahil halos sila ang magiging laman nito.

----------------------------------------------------------


Ang minamahal kong ama, ina, at kapatid,

     Kapag buhay pa ako at binabasa niyo na ito, huwag niyong ituloy ang pagbasa nito dahil magiging corny na itong sinulat kong ito at kaya ko nga ginawa ito para basahin niyo kapag patay na ako diba?

     Kamusta na kayo? Okay pa ba kayo? Iniyakan niyo ba noong namatay ako? Sana naman oo dahil kayo ang iniisip ko bago ako mamatay. Kayo rin ang dahilan kaya gumawa ako ng ganitong sulat. Kayo ang naisipan kong gawan.

     Ama, sana hindi ka na masyadong umiinom dahil ang gusto ko lamang sa iyo ay hindi ka na uminom ng alak (o kahit bawasan mo man lamang). Gusto kong makita ang ating pamilyang palaging masaya dahil kapag ika'y lasing, nasisira lahat ng plano at lahat ng tao sa bahay ay nag-aaway. Alam kong hindi ko na malalaman kung ihihinto mo ito o bawasan lamang, pero sige na, para kay nanay at sa aking bunsong kapatid, itigil mo na. Gusto ko rin sanang bigyan mo palagi ng oras an pamilya natin dahil palagi ka na lamang wala sa ating mga labas. Palagi kang may hangover dahil umiinom ka palagi. Sana makita mo ang halaga ng oras natin para sa isa’t isa at sana mahalin mo ang nanay at kapatid ko. Kung ako ang nag-aalaga sa kanila noong andiyan pa ako dahil nga palagi kang lasing, ngayon, ikaw na ang bahala sa kanila.

     Ina, sana hindi ka magsawang magluto para sa aking pamilya kahit wala na ako. Gusto ko na nga ulit matikman ang masarap mong adobo, e. Wala akong mahihiling pa sa iyo dahil halos lahat naman ng kailangan mong gawin bilang isang ina ay nagagawa mo naman. Oo nga pala, huwag mong kalimutang pakainin ang aking alagang pagong na si Torty palagi at ipamana mo iyan sa magiging anak ng kapatid ko at sabihin mo sa kapatid ko na ipamana iyan sa anak ng anak niya dahil alam kong matagal pa ang buhay ng mga pagong. Sana yung akin din, no? Oo nga pala, yung laptop at cellular phone ko nga pala ay ibigay mo na lang kay lolo at lola dahil naaawa ako sa kanila dahil luma na ang cellular phone nila. Huwag mo ito ibenta, hindi natin kailangan ng pera, mas kailangan nating mapasaya si lolo at lola.

     Kapatid, sana hindi mo ngayon ginugulo ang aking kuwarto. Palagi mo kasing ginugulo ang aking kuwarto eh. Ngayong wala na ako, kung gusto mong matulog sa aking kuwarto, sige lamang, pinapayagan na kita. Huwag ka lamang sisigaw nang malakas kapag nagpakita ako dahil baka atakihin sa puso si ina dahil kala niya may nangyaring masama sa iyo, eh magpapakita lamang naman ako. Natatandaan mo yung kahon ko na nakakandado? Alam mo naman siguro yung password noon. Buksan mo at kunin mo ang pera at gamitin mo ito kung kinakailangan mo. Huwag mo ito gagamitin kapag hindi kinakailangan at huwag na huwag mo ito ibibigay sa kasintahan mo (kung magkaroon ka na ng isa). Pakisabi kay ama at ina na mahal na mahal ko sila kahit na sila ang nagbasa ng sulat na ito bago ikaw. Iyon lamang naman ang gusto kong sabihin.

     Sa inyong tatlo, mahal ko kayo. Sana magkita tayong tatlo muli, kahit man hindi riyan sa bahay natin.

Migo

Friday, 10 August 2012

(mabuting) Lamat ng Habagat


Bigla na lamang naghasik ng lagim
Ang isang bagay na walang pamagat.
Nilusob ang ating sinilangang-bayan,
Ginahasa na parang wala nang bukas.
O, Pilipino, bakit ika’y nakangiti pa rin?
Natangay na ang lahat ng bagay,
Pero ang kasiyahan mo’y matatag pa rin.
Ibig mo pang kumalinga sa ibang katulad mo.
Ngayon, itanong mo sa sarili mo,
“Ano pa ang dahilan ko para hindi tumulong?”
Saludo kami sa inyo!

Basahin pababa ang mga simulang titik ng bawat linya.
Bangon ‘Pinas!




Geronimo Miguel M. Mantes
Fil14-B
Ginoong Edgar Samar